ng ng I) RESOLUSYONG PAMPULITIKA Kalagayang Pandaigdig Krisis Pangkabuhayan Pangunahing mga Usapin at Suliranin Paglawak ng NATO at ang Manipulasyon sa Media Ilang Pangyayari sa Estados Unidos at Europa Ilang Pangyayari sa Asya Ilang Pangyayari sa Gitnang Silangan at Aprika Ilang Pangyayari sa Amerika Latina Konklusyon Pambansang Kalagayan Pangkabuhayang Kalagayan Pampulitikang Kalagayan Katayuang Panlipunan Mga Kalagayang Sektoral II) PROGRAMA PARA SA MALAYA AT DEMOKRATIKONG PILIPINAS Para sa Malaya, Demokratiko at Industriyalisadong Ekonomya Para sa Malawakang Demokratikong Pulitika Para sa Makabansa, Siyentipiko at Demokratikong Kultura III) SALIGANG-BATAS NG PKP-1930 IV) LIMANG TAONG ULAT NG KOMITE SENTRAL (2003-2008) RESOLUSYONG PAMPULITIKA I. KALAGAYANG PANDAIGDIG Nahaharap ang sangkatauhan sa masalimuot at lubhang mapanganib na katayuan na dulot ng tumitinding mga salungatang likas sa kapitalismo. Sa kabila ng sobrang lawak ng kayamanang nalilikha ng siyentipiko at teknolohikal na pagsulong, di kayang lutasin ng kapitalismo at sa halip lalo lamang nitong pinalalala ang mga nag-aapoy na problema, gaya ng krisis sa pagkain, pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin, kawalang-hanapbuhay, kamangmangan ng daan-daang milyong mga tao, mapanalasang polusyon ng kapaligiran, at mga karahasan at digmaang isinasagawa ng mga estado at uring kapitalista. Mismong ang mga mauunlad na kapitalistang bansa ay dumara- nas ng krisis pangkabuhayan, gaya ng itinuturing na superpower, ang Estados Unidos ng America. *U. S. A. – Sa 15 minutong talumpati ni Presidente Bush sa kanilang Kongreso noong Setyembre, 2008, inamin niya mismo na ang kabuhayan ng USA ay nasa isang teribleng sitwasyon, kung saan maraming kompanya tulad ng Freddie Mac ang nanghiram ng malalaking halaga para sa pagtatayo ng kanilang mga negosyo at para pambili ng kotse at pampatayo ng mga bahay, na nawalan ng kakayahang magbayad. Sa ganitong kadahilanan, isa sa pinakamalaking invest-ment company, ang Lehman Brothers ay bumagsak o na bankarote. Sa ganitong sitwasyon, inihingi ni Bush sa Kongreso na aprubahan ang $700 bilyon ($700,000,000,000) bail- out plan, upang sagipin ang bumagsak na naturang investment company. Ang halagang ito, walang duda, ay manggagaling sa dugo at pawis ng taumbayan, na pinagkukunan ng mga buwis, at sa higanteng tubo na hinahakot nito mula sa iba’t-ibang mga bansa sa daigdig na kanilang pinamumuhunanan. Maliban pa rito, umabot sa $3 trilyon ($3,000,000,000,000) ang ginugol nito sa 5 taong pananakop sa Iraq na galing din sa pagpapakasakit ng kaniyang mga mamamayan at sinasamantalang lakas at yaman ng ibang mga bansa. Noong 2007, $110 trilyon ang badyet nito. Sa taon ding nabanggit, dumanas ng resesyon at bumagsak ang halaga ng dolyar ng bansang ito. Kung gayon, hindi nakapagtataka, na sa bansang ito ay may 37 milyon ang naghihirap, 46 milyon ang walang panagot sa serbisyong medikal, at umaabot sa bilyong dolyar ang public deficit nito. Ang kalusugan ng mga 125 milyong tao sa bansang ito ay nasa panganib dahil sa pagkasira ng ozone layer at mataas na antas ng Chloro-Floro-Carbon at iba pang pollutants, na ang pangunahing sanhi ay ang mga industriya, electric power generation at vehicular traffic. *France – Libo-libong mga stevedores ang sumama sa demonstrasyon sa labas ng Euro parliament sa Strasbourg, France 2006. Nagkaroon din ng mga protesta noong 2006 laban sa First Job Law, kung saan apektado ang mga may edad 26 pababa na nakakuha ng trabaho at maaaring tanggalin sa trabaho nang walang sapat na kadahilanan at kahit pa maganda ang kanilang performance. *Rome – noong 2006, bilang protesta, nagsabit ng mga manika sa mga ilaw sa kalye at sa mga tulay. Ito ay laban sa sobrang taas ng halaga ng mga pabahay na bayarin sa loob ng 30 taon. Gayunman, ang higit na naaapektuhan ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo ay ang mga bansa sa Ikatlong Daigdig, na pinagkukunan ng mga hilaw na sangkap ng mga mahihirap na bansa, mababang pasuweldo sa mga manggagawa, palengke ng kanilang mga nalilikhang produkto, at iba pang kahalintulad na maghahatid sa kanila ng higanteng tubo. Para sa kaganapan ng kanilang tunay na motibong pangkabuhayan, ginamit at ginagamit ng mga imperyalista, pangunahin ng US, ang mga pandaigdigang institusyong pinansyal (gaya ng World Bank, International Monetary Fund, Asian Development Bank) para sa kunwang pagtulong sa mga mahihirap na bansa sa pamamagitan ng pagpapautang at kaalinsabay ng pagguhit ng mga tinatawag na structural adjustment programs, na lalong nagbabaon sa utang at sa kumunoy ng kahirapan sa mga mahihirap na bansa . Sa kasalukuyan, nakapanlilinlang ang tinatawag na neo-liberal theory o sa praktika ay ang globalisasyon ng produksiyon at marketing, dahil mukhang may patas na kompetisyon, habang itinatago ang tunay na intensiyon ng mga korporasyong transnasyunal. Sa ilalim ng neo-liberal theory, naisagawa ang mga sumusunod: eliminasyon ng mga taripa sa kalakalan, deregulasyon sa pandaigdigang agos ng puhunan at pagtatatag ng free trade zones at customs unions. A. Pangunahing mga Usapin at Suliranin: a. Krisis sa Pagkain at Pagtaas ng mga Presyo ng mga Bilihin: Sa ngayon, hindi maitatatwa na sa gitna ng pinakamodernong pag- unlad ng siyensiya at teknolohiya, nagaganap ang pandaigdigang krisis sa pagkain. Ang unang tinamaan ng krisis sa pagkain ay ang bansang Haiti, kung saan 80% ng mamamayan ay nasa linya ng kahirapan. Noong nakaraang Marso, nag-alsa ang mga mamamayan halos sa buong bansa, partikular sa mga siyudad ng Les Cayes at Port au Prince, kung saan hinagisan ng tear gas at nagbarilan, matapos lusubin ng mga mamamayan ang mga supermarkets, nangharang sa mga daan at nagsagawa ng mga barikada. Lima ang namatay at dose-dosena ang nasugatan. Natanggal ang Prime Minister nito na si Jacques Edourd Alexis. Sang-ayon sa estadistika ng UN Food and Agriculture Organization (FAO), sa loob ng siyam na buwan 45% ang itinaas ng presyo ng mga pagkain noong nakaraang Disyembre at ito ang pinakamataas na pagtaas sa loob ng 20 taon. Ayon pa rin sa FAO, noong 2007, bigla ang naging pagtaas ng presyo ng: cereals- 41%; vegetable oil -60%, at ang dairy products – 83%. Ayon sa talumpati ni Esteban Lazo Hernandez, Vice-President of the Council of State of the Republic of Cuba, sa Presidential Summit on Food, Sovereignty and Security for Life, na ginanap noong Mayo 7, 2008 sa Managua, Nicaragua ay: “Higit na matatas ang mga numero. Noong 2005 binayaran natin ng $250 ang inangkat na isang tonelada ng bigas; ngayon binabayaran natin ito ng $1,050, apat na beses ang inihigit. Para sa isang tonelada ng harina, binayaran natin ng $132; ngayon binabayaran natin ng $330, dalawa at kalahating beses ang inilaki. Para sa isang tonelada ng mais, binayaran natin ng $82; ngayon binabayaran natin ng $230; halos tatlong beses ang inihigit. Sa isang tonelada ng pulbos na gatas, binayaran natin ng $2,200; ngayon ito ay $4,800. Ito ay di katanggap-tangap at di masusustenahang kalagayan.” Sa lumalalang krisis sa pagkain, kabi-kabila ang nagaganap na mga protesta ng taumbayan tulad halimbawa sa Egypt, Cameroon, Ivory Coast, Madagascar, Philippines, Indonesia, Senegal, Burkina Faso, Ethiopia, Pakistan, Thailand, atbp. Nagbabala si Jacques Diouf, direktor general ng FAO na maaaring mas lumala pa ang sitwasyon. Ang paglala ng sitwasyon o ng krisis sa pagkain ay ginagatungan pa ng pumapailanlang at sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at produktong petrolyo at ang paglawak ng biofuels market na nakabatay sa pag-ani ng mga produktong gaya ng mais at tubo (sugar cane) para sa paglikha ng enerhiya sa halip na pagkain. Ang ganitong sitwasyon ay nagsulong sa pagtaas ng presyo ng trigo na umabot sa 130%. Sa biglaang pagtingin, mukhang ang pagtaas ng presyo ng langis ang dapat sisihin, partikular ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), nalikha noong 1960 upang mapangalagaan ang interes ng mga mamamayan sa mga bansang ito laban sa mga dayuhang kompanya ng langis. Sa katotohanan, 30% lamang ng mga iniluluwas na langis ang nanggagaling sa OPEC at ang 70% ay galing sa ibang bansang hindi kasapi ng OPEC. Sa deklarasyon ng Food for Life Summit na pinangunahan ni Nicaraguan President Daniel Ortega ay tinukoy na ang mga mauunlad na kapitalistang mga bansa at ang neo-liberal na mga patakaran na ipinatutupad sa matagal nang panahon ang responsable sa kasalukuyang krisis sa pagkain. Sa gayon, ang mga patakarang gaya ng deregulasyon, pribatisasyon at liberalisasyon sa pag-aangkat, na ipinatutupad ng World Trade Organization (WTO) ang dapat na sisihin sa nagaganap sa kasalukuyan na krisis di lamang sa pagkain, kundi sa buong pangkabuhayan at pampulitikang larangan. Ang pagbubukas ng sektor ng agrikultura sa mga transnasyunal na kumpanya ang naglagay sa proseso ng produksyon ng pagkain at produksyong agrikultural sa layuning magkamal ng tubo at hindi para sa pangangailangan ng sangkatauhan. Iilang transnasyunal na kompanya, gaya ng Cargill, Continental Grains (CGC), Archer Daniels Midland (ADM), Louis Dreyfus at Bunge & Born, ang naghahari sa palengke ng butil, mula sa trigo hanggang sa mais at oatmeal, kabilang na rito ang sorghum, barley and rye, hanggang sa karne, mga produkto ng gatas, mantika at taba, prutas at gulay, asukal at spices. Ang Cargill, halimbawa ay siyang nagkokontrol sa 25% ng lahat ng butil na iniluluwas mula sa U. S. A. na isa sa pinakamahalagang negosyo sa bansa na kumita ng $88 milyon sa nakaraang taon lamang. Ang CGC ay nakatining sa cereals, poultry and beef, kaalinsabay nito sa securities, real estate and the purchase of business assets. Ang ADM ay nagtitining sa biofuel business, na kalahati ng tubo nito ay galing sa subsidyo ng gobyernong U. S. A. Sa gayon, ang krisis sa pagkain ay hindi maaaring basta lang tapalan, gaya ng pangako ng World Bank na magbibigay ng $500 milyon, na maaaring kinopya ni Pangulong Arroyo sa pagbibigay ng P500 sa iilang mahihirap. b. Debt Crisis Ginamit ng mga imperyalista ang bitag sa pagpapautang upang mapanatiling nasa kanilang kontrol ang mga bansa sa Ikatlong Daigdig. Sa pagsunod sa mga structural adjustment programs at di makatarungang mga kondisyon na idinikta ng WB at IMF kapalit ng kanilang pagpapautang, nabaon sa utang ang maraming bansa. Ang unang bansang nabaon sa utang ay ang Mexico, sumunod ang Brazil, Argentina, kabilang na ang Pilipinas. c. Karahasan, Digmaan at muling Pagbuhay sa Paligsahan ng Armas -Isinusulong ng Imperyalistang mga Bansa, partikular ng Estados Unidos Ang pangangailangan para sa hilaw na sangkap; pamilihan para maibenta ang yaring produkto ng mga mauunlad na bansa kabilang na ang mga armas; murang bayad sa lakas-paggawa; at mangyari pa makahanap ng mapagbubuntunan ng sisi sa mga problemang likas sa kapitalismo; at masawata kundi man madurog ang mga puwersang makakaliwa, demokratiko at progresibo, ang pangunahing mga dahilan ng mga karahasan at digmaang isinusulong ng mga imperyalistang bansa. *Palestine – Israeli Problem: Sa pagkapanalo ng HAMAS sa halalan noong nakaraang taon, tinigilan ng US at Europe ang pagbibigay ng makabuluhang tulong upang tanggihan sa huli ng mga mamamayan ang inihalal nilang mga lider, at inialis ng Israel ang kita mula sa mga buwis, maliban pa sa inatake nito ang Gaza sa katuwirang may nahuling isang sundalong Israeli ang mga Palestino. Ito ay habang libo-libong Palestino na ang naaresto ng Israel. Ang masama, lumulubha ang alitan sa pagitan ng 2 grupong Palestino: HAMAS at AL FATAH. Samantala, nakipagkasundo si Palestine President Mahmud Abbas sa gobyerno ni Ehud Olmert ng Israel. Ang kasunduang ito ay hindi nagustuhan ng ibang mga paksyion ng mga Palestino. *Lebanon – matapos mahuli ng Hezbollah ang 2 sundalong Israeli, gumawa ng mabigat na pagsalakay ang Israel sa bansang ito. Ang ginawang 34 araw na pagsalakay ay nagkakahalaga ng $7 bilyon sa pagkasira ng 34 highways, 70 mga tulay, 10,000 tahanan, maliban pa sa 1,300 biktima, na pawang mga sibilyan. Ibineto ng US ang resolusyon na tumutuligsa sa Tel Aviv sa naturang pagsalakay. *Somalia – pinatalsik ng Islamic Courts Union ang mahinang gobyerno dito noong Hunyo ng nakaraang taon, at muling naitatag ito noong Enero, subalit pinapasok ito ng mga tropang Ethiopian sa sulsol ng USA. *Sudan - nagsimula ang digmaan dito noon pang 2003, nang salakayin ng mga rebeldeng grupo ang gusali ng gobyerno. May 2 pangunahing grupong rebelde dito: ang Sudan Liberation Army at ang Movement for Justice and Equality (na nag-aakusa sa ginawang supresyon ng gobyerno sa mga itim). Sa kasalukuyan nananatili ang African Union Peacekeeping Force na may 7,000 tropa, maliban pa sa mga military forces na malapit sa gobyerno. Ang mahirap, ordinaryong sibilyan ang naaapektuhan. Umaabot na sa 200,000 ang namamatay at 2 milyon ang nawalan ng mga tirahan. *IRAQ - Sa talumpati na binigkas ni Pres. George Bush sa Pentagon sa ikalimang taon ng pagsalakay sa bansang ito, sinabi niya na ang digmaang inilunsad nila sa Iraq ay “kagalang-galang, kinakailangan at makatarungan”, habang para kay Richard Cheney ang kanilang pananakop ay isang tagumpay. Pilit itinatago ng administrasyong Bush ang karumal-dumal na bunga ng digmaang inilunsad nito sa Iraq. At sa kabila na wala naman silang natagpuang weapons of mass destruction” at binitay na si Saddam Hussein, patuloy pa rin itong nananatili sa Iraq. Sa limang taong digmaan, mahigit 4,000 na libong sundalong Kano na ang namatay, 30,000 ang nasugatan, at daan-daan ang permanenteng naputulan ng bahagi ng katawan, nabulag o nabaliw. Ayon kay Nobel Economics laureate Joseph Stiglitz, mahigit sa halagang ginugol ng U. S. A. sa digmaang inilunsad nito sa Vietnam at Korea, ang ginugol sa 5 taong pananakop sa Iraq na umaabot sa $3 trilyon dolyar. Ang epekto ng 5 taong pananakop sa mga Iraqi ay nagdulot ng ss: mahigit 1 milyong katao ang namatay at milyun-milyon pa ang naiwang natrawma 2 milyon ang napilitang lumikas ng bansa 2 milyon pa ang nalipat ng tirahan kawalang hanapbuhay ay umabot sa 60%-70% ng aktibong populasyon 43% ay nakararanas ng malubhang kahirapan may malnutrisyon ang kalahati ng populasyon ng mga bata (edad 5 pababa) 70% ng populasyon ay walang kasiguruhan sa magagamit na tubig halos 1 milyong bata ang iniwan ang eskwelahan. Ilan lamang yan sa nakalulunos na kalagayan ng mga Iraqi bunga ng 5 taong digmaang inilunsad ng U. S. A. *Paglawak ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) Sa pagkabuwag ng Warsaw Pact, alyansang militar ng dating sosyalistang komunidad sa Gitna at Silangang Europa; sa kabilang banda, ang North Atlantic Treaty Organization (NATO) ay lumawak. Sa ika-50 taong anibersaryo ng NATO noong 1999, tinanggap nito na maging kasapi ang dating sosyalistang mga bansa, gaya ng Poland, Hungary at Czech Republic. Sa taong 1999 din, binomba ng NATO ang Yugoslavia at ilang mga lugar sa Iraq. Noong 2004, nadagdagang muli ang kasapian ng NATO sa pagsapi ng Bulgaria, Estonia, Slovenia, Latvia, Lithuania, at Romania. Sa kabuuan, naging 26 na bansa ang bumubuo sa NATO. Sa paglawak ng kasapian nito, nalikha ang NATO’s Allied Rapid Reaction Corps sa layuning makapanghimasok sa alin mang bansa sa daigdig. Noong Abril 2008, nadagdagang muli ang kasapian ng NATO, sa pagpasok ng Albania at Croatia. Sa kasalukuyan, nakabitin pa ang pagpasok ng Georgia, Ukraine at Macedonia sa iba’t ibang kadahilanan. Samantala, mahigpit na tinututulan ng Russia ang pagtatayo ng anti-missile shield sa Poland at Czech Republic at ang pagpasok ng kaaway nitong Georgia sa NATO. Sa ginawang mga probokasyon ng Georgia sa Ossetia, isang rehiyon sa Georgia na dating may awtonomiya at mga Ruso ang karamihang naninirahan, napilitang sumalakay ang Russia upang matigil ang naturang panggigipit ng Georgia sa Ossetia. Sa ganiyan, nagiging mapanganib ang kalagayan, na ang matinding nasasalanta ay mga ordinaryong sibilyan. *Manipulasyon sa Media ng mga Kasinungalingan at Karahasan “Ang karapatan ng taumbayan sa makatotohanang impormasyon,”- ang pinakauna sa sampung prinsipyo ng etika ng mga mamamahayag na pinagtibay noong 1983 ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Taliwas sa naturang prinsipyo ng etika ang ginagawa ng mga komersiyal at pribadong mga pahayagan at iba pang paraan ng pamamahayag na sa halip na maging matapat sa pagtatanggol sa kapakanan ng taumbayan at gampanan ang kanilang panlipunang pananagutan, ay pinamumugaran ng kasinungalingan at nagtatago sa tinatawag na “kalayaan sa pamamahayag” upang magsilbi sa interes ng imperyalismo sa hangaring ibagsak ang mga pamahalaang naghahangad ng tunay na kalayaan at pagbabagong panlipunan. Halimbawa, naging malawakan ang kampanya ng Reporters sans Frontieres (RSF) laban sa pagdaraos sa Beijing, China ng OLYMPICs 2008. Tumanggap si Robert Menard, tagapagtatag at pangulo nito ng tsekeng $100,000 mula sa nakaupong dating presidente ng Taiwan na si Chen Shui-bian noong Enero 28, 2007, matapos ng insidenteng ginawa ng RSF sa Greece na nagtangkang magladlad ng bandila at nanawagan na dapat igalang ng China ang karapatang pantao. Nais nilang palabasin na di marunong gumalang sa karapatang pantao ang China. Sa kabila ng iba’t-ibang uri ng paninira, pambihirang kahusayan ang naipa-malas ng China sa pamamahala sa Olympics 2008. Ibig sabihin, bigo ang pagtatangkang siraan ang China ng RSF, grupo ng mga mamamahayag na Pranses na tinatangkilik ng gobyernong U. S. sa pamamagitan ng National Endowment for Democracy (NED). Matatandaan na ang NED rin ang nagsuplay ng pondo para sa malawakang kampanya sa pamamagitan ng media upang mangampanya para sa tinatawag nilang “demokrasya” at labanan ang sistemang sosyalista sa Gitna at Silangang Europa, partikular sa dating Unyong Sobyet hanggang sa ito ay mabuwag noong huling mga taon ng dekada 80. Ang Inter-American Press Association (SIP), na itinatag sa New York ng ahenteng CIA na si Jules Dubois, ay aktibong umaatake sa
Description: